Paghahatid ng Balita sa pamilya (bahagi 2 ng 2)
Deskripsyon: Ito ay 2-bahagi ng aralin na naglalaman ng praktikal na payo para sa mga bagong yakap sa Islam na nahaharap sa hamon ng pagpapabatid ng balita sa kanilang mga kaibigan at kaanak. Part 2: Ang araling ito ay naglalatag ng matinding pagdidiin kung paano pakikitunguhan ang mga magulang at mapanatili ang paggalang habang ipinababatid ang balita sa kanila.
Ni NewMuslims.com
Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 89 - Nag-email: 0 - Nakakita: 7,564 (pang-araw-araw na average: 3)
Mga Layunin
·Upang mapahalagahan ang karapatan ng mga magulang sa Islam.
· Upang malaman ang mga hangganan ng pagsunod sa mga magulang.
·Upang matutunang makitungo sa mga magulang na mapanatili ang paggalang habang ipinababatid ang balita sa kanila.
·Upang magtamo ng tapang na harapin ang mga totoong hamon ng buhay sa pamamagitan ng mga salaysay ng Propeta.
Terminong Arabiko
·Hadith - (pangmaramihan – ahadith) ay piraso ng impormasyon o kwento. Sa Islam, ito ay tala ng mga salaysay mula sa pananalita at gawi ni Propeta Muhammad at ng kanyang mga kasamahan..
Mga Karapatan ng Magulang
Una, Mainam na malaman ang mga karapatan ng iyong mga magulang sa Islam, Sapagkat maging ang mga hindi-Muslim na magulang ay may malaking karapatan sa'yo. Ang Allah ay nagsabi:
“At pinapayuhan Namin ang tao na maging mabuti sa pakikitungo sa kanyang mga magulang” (Quran 46:15)
Bakit mahalaga ang mga magulang?
Ang pagiging mabuti sa mga magulang sa Islam ay itinuturing na pagsunod kay Allah at sa Kanyang Sugo, kaya't may katumbas ito na biyaya sa Kabilang-buhay. Ang paggalang at pagsunod sa kanila ay pagpapakita ng pagpapasalamat sa kanilang mga sakripisyo na ginawa sa pag aalaga nila at pagpapalaki sayo. Ang paggalang at pagkilala sa kanila ay magbubuo ng pagkakaibigan at pagmamahal, na higit na mahalaga lalo na ngayon, dahil maaari nilang maramdaman na tinanggihan mo sila dahil sa iyong bagong pamumuhay. Alalahanin mong ang pagsunod at pagkilala sa iyong mga magulang ay daan upang makapasok sa Paraiso, at ang pagtrato sa iyong mga magulang ng maayos ay siyang magiging dahilan ng maayos rin na pagtrato sa iyo ng iyong mga anak, ipagkaloob nawa ng Diyos.
Paano ka magiging mabuti sa kanila? Sundin sila, igalang sila, huwag silang pagtataasan ng boses, ngumiti, magpakumbaba, huwag mong ipakita na hindi mo sila nagugustuhan, paglingkuran sila, tuparin ang kanilang mga kahilingan, sumangguni sa kanila, pakinggan ang kanilang mga sinasabi, at huwag maging matigas ang ulo. Karagdagan, pasyalan sila, maglaan ng oras sa kanila, bigyan sila ng regalo, pasalamatan sila sa pagpapalaki sayo at pagtrato sayo ng maayos noong ikaw ay bata pa. Higit sa lahat, ipagdasal na sila ay patnubayan din.
Gayunpaman, mayroong hangganan ang pagsunod sa kanila. Ang Allah ay nagsabi:
“Subalit kapag pinilit ka nila na magtambal sa pagsamba sa Akin, huwag mo silang sundin; magkagayunpaman ay pakitunguhan mo sila nang mabuti dito sa mundo.” (Quran 31:14-15)
Hindi dapat sundin ang mga Magulang na nag uutos nang pagsuway kay Allah o sa kanyang Sugo at labagin ang mga Islamikong katuruan. Kung nahaharap sa sitwasyon na kung saan ay maaari kang mapabilang sa anumang hindi pinapahintulutan sa Islam, subukang umiwas dito. Kung sila ay naghain ng hamon para sa hapunan, sabihin mo hindi mo nais kumain. Sa lahat ng pagkakataon, subukan na hanggat maaari ay wag silang masaktan.
Kapag dumating ang panahon na sa palagay mo, maaari mo na silang kausapin tungkol sa iyong pagyakap sa Islam, mag hanap ka ng (bagay) na ipagpapasalamat mo sa kanila, lalo na mula sa mga alaala ng nakalipas na. Sabihin mo sa kanila ang iyong kakulitan noong bata ka pa, at kung gaano mo inaalala ang mga naging abala mo sa kanila. Ipaliwanag mo nang malinaw kung bakit mo pinili ang Islam. Ipaalam mo sa kanila na mananatiling buo ang inyong ugnayan bilang pamilya.
Maging maingat na huwag mauwi sa pagtatalo ang usapin ng relihiyon, 'relihiyon ko at iyong relihiyon' sa mga magulang o kahit kaninuman. Kung 'husgahan' o insultuhin ka, o magpahayag ng mga pananalitang 'laban sa Islam', iwasang masaktan o makaramdam ng pagkapahiya hinggil sa iyong desisyon na maging Muslim. Alalahanin ang 'gantimpala’ ng pagtitiis/pagtitimpi at hayaan na lamang. Humugot ng lakas mula sa mga panalanginng nabanggit sa itaas.
Sakaling magpakita ng pagkabahala o takot, paliwanagan sila kung ano ang alam mo tungkol sa Islam. Humingi ng paumanhin kung may mga katanungan sila na hindi mo pa masagot. Alalahanin mo na nagsisimula ka pa lamang matutunan ang iyong pananampalataya. Huwag mong subukang ‘himukin’ sila o patunayang tama ka at mali sila. Hanggat maaari ay subukan mong maalis ang anumang takot na mayroon sila tungkol sa Islam o sa iyong pagyakap sa Islam. Mas mabuti na bago matapos ang inyong pag uusap ay maipaalam mo na mahal mo sila at ipagdadasal mo sila. Maaari mo din silang bigyan ng munting regalo bilang pasasalamat sa kanilang pakikinig at bilang halimbawa na rin ng kabutihang-loob ng isang Muslim, alin man sa mga ito maaaring makapag bunsod sa kanila na pag isipan ang pagyakap sa Islam. Ang pakikitungo sa kanila sa pinakamainam na pag-uugali ay magpaparamdam sa kanila na ikaw ay mabuting kaibigan, at ikaw ay totoo at tapat
sa paghahangad ng mabuti sa kanila.
Tandaan na ang pagbabago ay nangyayari ng paunti-unti. Maaari na manatiling walang epekto sa iba, habang karamihan ay manunumbalik sa dati ang inyong ugnayan, dahil sa bakas na naidulot ng iyong pagyakap. Ang ilan, sa pamamagitan ng banal na patnubay, ay sasama sa iyo. Ang iyong pakikipag-ugnayan ay magbabago sa paglipas ng panahon. ito ay nasa saiyo. Mas matimbang ang gawa kaysa ngawa (salita). Hayaan mong makita nila ang positibong pananaw, pagsusumikap, at masayang pagtanggap sa ugnayan ninyo sa isa't-isa. Narito ang isang magandang kuwento mula sa isa sa mga Kasamahan ni Propeta Muhammad. Si Abu Hurayrah ay nagsabi:
“Madalas kong himukin ang aking ina sa Islam, noong siya ay isa pang pagano. Isang araw, inanyayahan ko siya sa Islam ngunit nagsalita siya tungkol sa Sugo ng Allah na nakapagpasama ng loob ko. Nagtungo ako sa Sugo ng Allah, umiiyak, at sinabi: ‘O Sugo ni Allah, inaanyayahan ko ang aking ina sa Islam subalit siya ay tumanggi. Ngayong araw ay inimbitahan ko siya ngunit siya ay nagbanggit ng tungkol sa iyo na hindi ko ikinatuwa. Ipanalangin mo sa Allah na patnubayan ang ina ni Abu Hurayrah.’ Kayat ang Sugo ay nagwika: “O Allah, patnubayan mo ang ina ni Abu Hurayrah.”
Umalis ako, dama ang pag asa dahil sa panalangin ng Sugo. Pagdating ko sa bahay, habang papalapit sa pintuan ay nakita ko itong nakabukas. Narinig ng aking ina ang aking mga yabag at nagsabi, ‘Manatili ka sa iyong kinalalagyan, Abu Hurayrah!’ dinig ko ang lagaslas ng tubig. Nilinis niya ang kanyang sarili, nagbihis at naglagay ng talukbong. Pagkatapos ay binuksan ang pintuan at sinabi, ‘O Abu Hurayrah, Ako ay sumasaksi na walang ibang Diyos maliban kay Allah, at Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo.'
Bumalik ako sa Sugo ng Allah, umiiyak sa galak, at nagsabi, ‘O Sugo ni Allah, magandang balita! Pinakinggan ng Allah ang iyong panalangin at pinatnubayan ang ina ni Abu Hurayrah.’ Pinapurihan at Pinasalamatan niya ang Allah, at nagsabi, ‘Mabuti.’ Sabi ko, ‘O Sugo ng Allah, ipinalangin mo sa Allah na ang aking ina at ako ay mapamahal sa Kanyang mga mananampalataya na alipin, at mapamahal din sila sa amin.’ Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, ‘O Allah, gawin Mo ang iyong alipin na ito at ang kanyang ina na maging kamahal-mahal sa Iyong mga mananampalatayang alipin, at gawin Mo rin ang mga mananampalataya na kamahal-mahal sa kanila.’ Walang sinumang mananampalataya na nakarinig o nakakita sa akin, na hindi ako minamahal.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ilan pang mga Ahadeeth
Magtatapos ako sa ilang magagandang salaysay ng Propeta na magbibigay sa iyo ng lakas ng loob upang maging matibay sa pananalig na harapin ang mga totoong hamon ng buhay.
Ginamit ng Propeta ang Paraiso upang himukin ang kanyang mga Kasamahan na maging matatag. Minsan ay napadaan ang Sugo ni Allah kina Yaasir, kanyang asawa at ‘Ammar, na kanyang anak, habang sila ay pinahihirapan ng mga pagano sa Makkah at nagsabi:
“Magtiis, pamilya ni Yaasir, magtiis, pamilya ni Yaasir, sapagkat ang inyong patutunguhan ay Paraiso.” (al-Hakim)
Ang Sugo ni Allah, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ni Allah, ay nagsabi:
“Ang mundong ito kumpara sa Susunod na Mundo ay katulad ng paglalagay ng iyong daliri sa dagat at makikita kung ano babalik kasama dito.” (Saheeh Muslim)
Binabanggit ng Propeta madalas:
“O Allah, walang buhay maliban sa kabilang buhay.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:
“Isa sa mga tao sa Impyierno na siyang pinakamayamang tao sa mundong ito ay dadalhin doon sa Araw ng Paghuhukom, Ilulublob ng isang beses at tatanungin, ‘Anak ni Adam! Nakaranas ka ba ng kahit anong ginhawa? Nakaramdam ka ba ng kahit anong biyaya?’ Siya ay magsasabi, ‘Sumpa man sa Allah, hindi, aking Panginoon.’ Isa rin sa mga tao sa Paraiso na siyang pinaka- miserable sa mundong ito ay dadalhin doon at ilulublob ng isang beses (Paraiso) at saka magtatanong, ‘Anak ni Adam! Nakaranas ka ba ng anumang kahirapan? Sumailalim ka ba sa anumang pagdurusa?’ Siya ay magsasabi ‘Sumpa man sa Allah, hindi, kailanman ay hindi ako nakaranas ng kahirapan at hindi rin ako kailanman sumailalim sa anumang pagdurusa” (Saheeh Muslim)
Nakaraang Aralin: Paghahatid ng Balita sa Pamilya (Bahagi 1 ng 2)
Susunod na Aralin: Pagkasanay sa pakiki-salamuha sa Kumunidad ng mga Muslim
- Ang Pagpapahayag ng Pananampalataya
- Panimula sa mga Haligi ng Islam at Mga Saligan ng Pananampalataya (Unang bahagi ng Dalawang bahagi)
- Panimula sa mga Haligi ng Islam at Mga Saligan ng Pananampalataya (Pangalawang bahagi ng 2)
- Karaniwang Tanong ng mga bagong Muslim.
- Kahalagahan ng pagsasaliksik ng Kaalaman
- Paraiso (part 1 of 2)
- Paraiso (part 2 of 2)
- Ang Gabi ng Paglalakbay
- Pamamaraan ng Pagdarasal para sa bagong Muslim(part 1 of 2)
- Paano ang Pagdarasal para sa isang Bagong Yakap (bahagi 2 ng 2)
- Paghahatid ng Balita sa Pamilya (Bahagi 1 ng 2)
- Paghahatid ng Balita sa pamilya (bahagi 2 ng 2)
- Pagkasanay sa pakiki-salamuha sa Kumunidad ng mga Muslim
- Mapanatili ang Magandang Samahan
- Paniniwala sa Allah (bahagi 1 ng 2): Ang Mga Kategorya ng Tawheed
- Paniniwala sa Allah (bahagi 2 ng 2): Shirk, ang Kabaligtaran ng Tawheed
- Paniniwala sa mga Propeta
- Paniniwala sa mga Kapahayagan
- Paniniwala sa mga Anghel
- Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom
- Paniniwala sa Banal na Kapasyahan (part 1 of 2)
- Paniniwala sa Banal na Kapasyahan (bahagi 2 ng 2)
- Pamamaraan ng Pag-aaral para sa Bagong Muslim (part 1 of 2): Unahin ang Mahalaga